daluyan ng patlang

26 July 2008

Writ of amparo para kina Karen at Sherlyn, hindi pa inilalabas ng korte

Unang nalathala ang artikulong ito sa Philippine Collegian noong 13 Hulyo 2008.

Aabutan na ng ikalawang anibersaryo ng pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño ang pagdinig ng Court of Appeals (CA) sa petisyon upang ilitaw ng militar ang dalawang estudyante ng UP.

Sa pagdinig ng 11th Division ng CA noong Hunyo 4 para sa pinag-isang writ of amparo at writ of habeas corpus, iniharap ng abogado ng pamilya Cadapan at Empeño si Lovella de Castro upang pasubalian ang naunang testimonya sa korte ni Lt. Col. Felipe Anotado hinggil sa kapaligiran ng kampo sa Limay, Bataan, kung saan umano huling nakitang nakakulong ang dalawang estudyante ng UP.

Detachment commander si Anotado ng 24th Infantry Batallion (IB) ng 7th Infantry Division sa Limay, Bataan. Nauna na siyang itinuro sa korte ng testigong si Raymond Manalo bilang isa sa mga bumihag sa kanila ng kanyang kapatid na si Reynaldo, kasama sina Cadapan at Empeño sa kampo sa Limay, ngunit itinatanggi ito ni Anotado.

Siniyasat ng Commission on Human Rights at Karapatan, isang alyansa para sa karapatang-pantao, ang kampo sa Limay noong Marso 27 sa bisa ng writ of amparo na inilabas ng CA para sa paghahanap kay Romulus Robiños, kapatid ng isang lider-magsasaka sa Tarlac, na hinihinala ring dinukot ng militar noong 2006.

Ayon sa affidavit ni De Castro, lider ng documentation unit ng Karapatan at isa sa mga nagsiyasat ng kampo, nakapagtala pa rin sila ng mga detalye ng kampo kahit na hindi sila pinayagan ng mga sundalo ng 24th IB na magsiyasat sa lugar.

Pahayag ng Karapatan sa ulat hinggil sa isinagawang inspeksyon sa kampo, “[The] refusal of the military officials to honor the court order is an outright disrespect to the justice system and is a proof of the culture of impunity [in the country].”

Binaling testimonya

Ulat ni De Castro, nakita nilang may limang maliit at isang malaking kubo na maaaring panirahan ng tatlo hanggang pitong tao sa kampo ng 24th IB, taliwas sa naunang testimonya ni Anotado na may anim na maliit na kubo sa kampo, na pinaniniwalaang pinagkulungan kina Cadapan at Empeño.

Ngunit ayon sa naunang pahayag ni Manalo, tatlong beses pa umano niyang nakita si Anotado sa kampo ng 24th IB. Dito rin niya umano nakitang sinunog ng mga sundalo si Manuel Merino, sibilyang kasamang dinukot ng dalawang estudyante ng UP sa Hagonoy, Bulacan noong Hunyo 2006.

Kabilang sa mga respondent ng kaso sina Anotado, Gloria Arroyo, General Jovito Palparan, Philippine National Police Director General Avelino Razon Jr., dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Hermogenes Ebdane, at iba pang opisyal ng militar.

Ang petisyon para ilitaw ng militar sina Cadapan at Empeño ang kauna-unahang pagdinig ng isang korte sa bansa para sa writ of amparo. Ipinahayag ng Korte Suprema noong Oktubre 2007 na maaaring magpalabas ang mga korte ng writ of amparo upang matulungang mahanap ng pamilya ang mga kaanak na hinihinalang nasa kamay ng militar.

Maliban sa pagsiyasat o paghahanap sa kampo ng militar para sa mga nawawala, sa bisa ng writ of amparo, maaari ring maisailalim ang isang posibleng testigo sa isang witness protection order at maaaring mag-utos sa mga ahensya ng gobyerno na maglabas ng dokumento para sa isang pagdinig.

Nakatakda ang susunod na pagdinig ng CA sa kaso ng mga nawawalang estudyante sa Hunyo 11.

‘Discredited witness’

Samantala, ani Atty. Rex Fernandez, abogado ng pamilyang Cadapan at Empeño, “discredited” na ang testigo ng militar na si Lt. Col. Eduardo Davalan, chief of staff ng 1st Scout Ranger Regimen na nakabase sa Camp Tecson sa San Miguel, Bulacan kung saan umano unang namataan ni Manalo sina Cadapan at Empeño.

Ani Linda Cadapan, ina ni Sherlyn, saad umano ni Davalan sa korte noong Mayo 14 na hindi pa niya nalilibot ang lahat ng panirahan sa buong Camp Tecson, kaya hindi nito maaaring sabihin na hindi ikinulong ng militar sa kampo sina Cadapan at Empeño.

Isinaad pa ni Davalan na si AFP Chief of Staff Gen. Alexander Yano ang nagpapunta sa kanya sa korte upang tumestigo, ani Gng. Cadapan.

Sapilitang pagkawala

Kabilang sina Cadapan at Empeño sa 193 kataong naitalang biktima ng sapilitang pagkawala simula 2001, ayon sa ulat ng Karapatan. Mula sa kabuuang 225 na pulitikal na bilanggo, 195 ang ikinulong mula nang manungkulan si Arroyo.

Hanggang Marso, naitala naman ng Karapatan ang 903 kaso ng extrajudicial killing, kung saan aabot sa kalahati ay mga magsasaka.

Ayon sa grupong Desaparecidos sa isang pahayag, ang Oplan Bantay Laya umano ng rehimeng Arroyo ang sanhi ng pulitikal na pamamaslang, pagdukot at sapilitang pagkawala sa bansa. Layon umano nitong supilin ang mga itinuturing na “kaaway ng gobyerno.”

“Kung mismong ang gobyerno ang naghahasik ng terorismo laban sa mamamayan [nito], binibitiwan na nito ang kanyang obligasyon sa karapatang-pantao,” anang Desaparecidos.

No Comments Yet »

No comments yet.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Leave a comment

Blog at WordPress.com.