daluyan ng patlang

16 October 2011

Kung lilimutin mo ako*

Filed under: Uncategorized — Toni Tiemsin @ 12:55 pm

(Salin ng tulang “If you forget me” ni Pablo Neruda.)\

 

Nais kong maunawaan mo

ang isang bagay.

 

Alam mo kung paano ito:

kung lilingon ako

sa kristal na buwan, sa natutuyot na pulang tangkay

dala ng mabagal na taglagas sa ‘king durungawan

kung susubukin ko

malapit sa apoy

na tangan ang di malikom na abo

o di kaya’y ang nangungulibot na troso,

lahat ng ito’y inihahatid ako patungo sa ‘yo,

na tila lahat ng pangngalan,

amoy, liwanag, metal

ay mga bangkang

naglalayag

patungo sa ‘yong dalampasigan kung saan ka nag-aabang.

 

Ngunit, ngayon,

kung unti-unting napaparam ang ‘yong pagtingin sa akin

Pipigilin ko na ang magmahal nang paunti-unti.

 

Kung biglaan

ika’y nakalimot

wag mo na akong hanapin pa,

‘pagkat nalimot na kita.

 

Kung sa palagay mo’y kabaliwan,

ang pagdaluyong ng hangin

sa ‘king kapalaran,

at napagtanto mong

iwan na lamang ako sa dalampasigan

ng pagmamahal kung saan naroroon ako,

alalahanin mo

sa araw, at oras na iyon, ako’y yayao

upang humanap ng bagong dalampasigan.

 

Ngunit,

kung dinatnan ka ng panahon,

bawat sandali,

napagtanto mong ako’y nakalaan para sa ‘yo

nang walang sintamis,

kung sa tuwina,

mapagtanto mong ako’y nais masumpungan

mahal ko,

ang apoy ay patuloy na nagniningas,

sa aki’y walang naglaho ni nalimot,

nabubuhay ito sa ‘yong pag-ibig, aking irog,

at hanggang ika’y nariyan mananahan ito sa iyong bisig

nang ‘di ako nililisan.

 

16 Oktubre 2011

*Pasintabi kay Pablo Neruda.


2 October 2011

The Prospects of Reducing Poverty in the Philippines

Filed under: Uncategorized — Toni Tiemsin @ 6:20 pm

Sa unang sabak ko sa mundo ng telebisyon noong 2009, isang pambihirang pagkakataon ang ibinigay agad sa akin—ang makabisita sa ilang mga probinsyang tinaguriang pinakamahirap sa buong bansa.

Ang 10 probinsya, nagawan ko ng mga paunang pananaliksik para sa crew at reporter na tutungo roon. Personal ko namang napuntahan ang apat: Abra, Hilagang Samar, Lanao del Sur at Surigao del Norte. Ang kapupunan ng 10, Maguindanao, Tawi-Tawi, Zamboanga del Norte,Masbate, Misamis Occidental at Apayao, nakita ko ang iba’t ibang porma pero iisang mukha ng kahirapan.

Maliban sa Tawi-Tawi kung saan pangigisda ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao, nakasandal pa rin sa pagsasaka ang buhay ng mga tao sa siyam na iba pang probinsya. Pero kadalasan, wala silang sariling lupang sinasaka. Noong 2008, tinatayang 11 milyong magsasaka ang walang sariling lupa, pawang nakikisaka lang, ayon sa Bureau of Agricultural Statistics (BAS). Samantala, 9,500 pamilya lang ang nagmamay-ari ng mga lupang sakahan sa bansa.

Sa 10 mahihirap na probinsya, malaking problema rin ang mababang antas ng edukasyon. Marami, hindi man lang nakatuntong ng paaralan. Maswerte nang makakumpleto ng tatlong beses na kain kada araw. Hinanakit rin nila, kapos sila sa mga benepisyo at serbisyong dapat tinatamasa mula sa gobyerno.

Ang mga problemang matagal nang dinaranas ng marami sa mga Pilipino, na sintomas at komplikasyon ng kahirapangayang malnutrisyon, maternal deaths, kawalan ng maayos na palikuran, mababang literacy rate—isinalarawan sa serye sa pamamagitan ng mga piling case study. Iisa ang kanilang hinaing, walang pagbabago sa kada administrasyon ng gobyerno. Pero kung gaano kabigat ang kanilang pinagdaraanan, ganoon na lang kalalim ang kanilang pananampalataya at pag-asang makakaahon din sila sa hirap.

Nang gawin namin ang seryeng Biyaheng Totoo naging batayan namin ang opisyal na 2006 poverty survey ng gobyerno. Ngayong taon, inilabas ang huling poverty survey para sa taong 2009. Wala na ang dati-rating numerical na paglilista kung alin ang pinakamahirap. Kinategorya na ang mga ito sa mga cluster sa huling tala.

Bahagyang bumaba ang poverty incidence mula 21.1 percent noong 2006 patungong 20.9 percent noong 2009. Pero ang bilang ng mga mahihirap, lalo pang lumaki—mula 3.67 milyon, lumobo patungong 3.86 milyon, batay sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB).

Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pababa nang pababa ang halaga ng mga pasahod. Sa tala ng National Wages and Productivity Commission, ang P426 minimum wage rate sa National Capital Region, P250.29 lang ang tunay na halaga. Kulang na kulang kung tutuusin para sa pangangailangan sa loob ng isang araw ng pamilyang may limang miyembro.

Sagot dito ng rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo, ang mga programang “pantawid” na batay sa mga programang kontra-kahirapan ng mahihirap ring bansa gaya ng Mexico at Brazil, pinalawak pa at ipinagpatuloy ng administrasyong Benigno Aquino III. Sa Philippine Development Plan (PDP) ng kasalukuyang administrasyon, binanggit na ito raw ang “cornerstone” ng programang mag-aahon sa kahirapan sa maraming Pilipino.

Sa ilalim ng Conditional Cash Transfer Program o mas kilala sa bansag na 4P’s (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) bibigyan ng buwanang sustento ang mga hikahos na pamilyang may anak na pumapasok sa elementarya o dili kaya’y buntis ang ina ng tahanan.

Paglilinaw ng gobyernong Aquino sa PDP, ang economic blueprint ng gobyerno na inilabas isang taon matapos nitong maluklok, hindi raw ito doleout, na siyang pangunahing puna ng mga kritiko ng programa. May mga kondisyon naman daw na magtitiyak na karapat-dapat tumanggap ang mga benepisyaryo ng 4P’s. Kabilang dito ang pagtitiyak na papasok ang mga bata sa eskwelahan at magpupunta ang mga nagdadalang-taong sa health centers para sa buwanang checkup.

Mas malaking pondo pa ang hiningi ng gobyerno para dito para sa mas marami umanong sakop ng programa. Sa pag-upo ni Aquino, naaprubahan rin ang bilyun-bilyong pisong loan ng bansa mula sa Millennium Challenge Account, na papatong na naman sa patuloy na lumalaki at tila hindi maubos-ubos na utang ng Pilipinas.

Pero sa unang bugso pa lang ng programa sa ilalim ni Aquino, malawak ang hindi pagsang-ayon dito. Ilan sa mga puna ng mga kritiko, ang mga ginamit umanong statistics bilang batayan ng programa, hindi updated. Marami rin umano ang hindi maabot ng programa lalo na ang mga nasa liblib na pook na talagang nangangailangan ng suporta at tulong gobyerno.

Marami umanong mahihirap na pasok sana bilang beneficiaries ng programa pero hindi nabibigyan dahil hindi naman matutugunan ang kahingiang conditionalities—kung hindi kulang, wala namang eskwelahan at mga health center. Ayon sa independent research group na Ibon Foundation, may mga nabibigyan rin daw na hindi naman dapat pang tumanggap. Sa ilang barangay, sangkot umano ang mga project implementor sa pakikipagsabwatan sa mga kapitan kaya hindi nagagamit sa tama ang pondo.

Sa 2015 target na matapos ang 4P’s. Pero ngayon pa lang marami ang nagsasabing hindi ito ang solusyon sa kahirapan. Paano nga naman magkakaroon ng maayos na trabaho ang mga beneficiary nito matapos ang program period kung ang suporta lang ng programa ay para sa mga pamilyang may pinag-aaral sa elementarya, samakatuwid, hindi sakop ang mga nasa high school o kolehiyo.

Kaakibat ng 4P’s ang iba pang programa ng gobyerno gaya ng Kalahi-CIDDS na layong magbigay ng pangkabuhayan, at ang Pantawid Pasada na magbibigay ng subsidyo ng sa mga pampublikong driver na apektado sa tuwi-tuwinang pagtaas ng presyo ng langis.

Sa huling State of the Nation ng Pangulo, aniya, wala nang dapat ipag-alala ang mga Pilipino. “Salbabida” raw ang hatid ng kanyang administrasyon, pero sa dagat ng kahirapan, salbabida nga ba ang kailangan?

Sa isang pag-aaral ng ekonomistang si Ernesto Pernia (1990) para sa Asian Development Bank, walang duda raw na malayo ang lamang ng Pilipinas kaysa Thailand at Indonesia batay sa mga pang-ekonomiyang batayan noong 1950’s.  Pero ayon kay Pernia, “This economic lead, however, steadily diminished over the next three decades as the Philippine’s educational edge also narrowed.”

Magkapareho man ang pang-ekonomiyang istratehiyang tinahak ng tatlong bansagaya ng import-substitution industrialization, nanatili na at hindi na raw umusad ang mga palisiyang ginamit ng Pilipinas.

Kaiba saIndonesiaatThailand, hindi umano napanatili ang educational stock ng Pilipinas na kailangan para sa pag-usad ng bansa.

Sa isang ekonomiya, ang taumbayan ang itinuturing na pinakamahalagang yaman. Ang may 90 milyong Pilipino, pinagtatalunan pa kung sobra-sobra batay sa lawak ng lupain ng Pilipinas. Pero ang tiyak, hindi ito masabayan ng lagi’t laging kulang na pondo ng gobyerno. Kulang ang mga paaralan, guro, libro, pagamutan, pampublikong doctor, nurse, dentista, pulis at marami pang batayang-serbisyo ng gobyerno.

Ang malalaking pamilya, mas mahirap daw ang buhay. Simple lang ang lohika nito, na pinatunayan ng ebolusyon ng mundo at kasaysayan ng tao, mas lumalaki ang populasyon, mas marami ang maghahati-hati sa mga resources, na batay sa prinsipyo ng ekonomiya ay lagi’t laging kulang.

Ilang Kongreso na ang hindi nakapagpasa ng Reproductive Health Bill. Ang administrasyong Aquino, may bersyon naman nito na nakapaloob na sa Responsible Parenthood Bill.  Hindi ito ang kagyat na solusyon sa kahirapan ng bansa, pero inaasahang malaking tulong ito para bumagal ang pagdami ng mga Pilipino, at nang sa gayon ay mapagkasya ang pondo ng gobyerno.

Isa raw sa bawat 10 Pilipino ay nasa ibang bansa at nakikipagsapalaran. Salamat sa kanilang nagpapanatili umano ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng mga remittance. May naiwang programa si dating Tourism Secretary Alberto Lim na nanghihikayat sa mga Pilipino sa abroad na magbalik-bayan kahit panandalian lang—mas marami sa kanila ay mga nagsipagtapos ng kolehiyo, ayon mismo sa Commission on Filipino Overseas.

Kung maitataguyod ang tunay na industriyalisasyon sa bansa—kung may industriya kung saan maaari silang mamuhunan o maaaring mamasukan, maaring manatili sila sa Pilipinas, kasama ng kanilang pamilya at mga mahal sa buhay.

Sa kanilang pagbabalik, pasalubong nila ang mga karanasan ng mayayamang bansa na maaaring magamit para tuluyang umunlad ang Pilipinas—isang malakas na pwersa ng paggawa na naghihintay lamang marahil ng tamang tiyempo.

Pero habang hindi pa ganap ang matagal nang mithiing iyon ng mga Pilipino, mananatili muna ang milyun-milyong Pilipino sa ibang bansa, habang narito sa Pilipinas ang mga matiyagang nagtataguyod ng ekonomiya nito, kasama ang mga maraming hikahos na kailanman ay hindi kapos sa tiyaga at pagpupurisige, at lagi’t lagi ay puspos ng pag-asa na makakaahon pa sila sa hirap kasama ang kanilang bayan. #

Theme: Rubric. Blog at WordPress.com.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.