daluyan ng patlang

26 July 2008

Writ of amparo para kina Karen at Sherlyn, hindi pa inilalabas ng korte

Unang nalathala ang artikulong ito sa Philippine Collegian noong 13 Hulyo 2008.

Aabutan na ng ikalawang anibersaryo ng pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño ang pagdinig ng Court of Appeals (CA) sa petisyon upang ilitaw ng militar ang dalawang estudyante ng UP.

Sa pagdinig ng 11th Division ng CA noong Hunyo 4 para sa pinag-isang writ of amparo at writ of habeas corpus, iniharap ng abogado ng pamilya Cadapan at Empeño si Lovella de Castro upang pasubalian ang naunang testimonya sa korte ni Lt. Col. Felipe Anotado hinggil sa kapaligiran ng kampo sa Limay, Bataan, kung saan umano huling nakitang nakakulong ang dalawang estudyante ng UP.

Detachment commander si Anotado ng 24th Infantry Batallion (IB) ng 7th Infantry Division sa Limay, Bataan. Nauna na siyang itinuro sa korte ng testigong si Raymond Manalo bilang isa sa mga bumihag sa kanila ng kanyang kapatid na si Reynaldo, kasama sina Cadapan at Empeño sa kampo sa Limay, ngunit itinatanggi ito ni Anotado.

Siniyasat ng Commission on Human Rights at Karapatan, isang alyansa para sa karapatang-pantao, ang kampo sa Limay noong Marso 27 sa bisa ng writ of amparo na inilabas ng CA para sa paghahanap kay Romulus Robiños, kapatid ng isang lider-magsasaka sa Tarlac, na hinihinala ring dinukot ng militar noong 2006.

Ayon sa affidavit ni De Castro, lider ng documentation unit ng Karapatan at isa sa mga nagsiyasat ng kampo, nakapagtala pa rin sila ng mga detalye ng kampo kahit na hindi sila pinayagan ng mga sundalo ng 24th IB na magsiyasat sa lugar.

Pahayag ng Karapatan sa ulat hinggil sa isinagawang inspeksyon sa kampo, “[The] refusal of the military officials to honor the court order is an outright disrespect to the justice system and is a proof of the culture of impunity [in the country].”

Binaling testimonya

Ulat ni De Castro, nakita nilang may limang maliit at isang malaking kubo na maaaring panirahan ng tatlo hanggang pitong tao sa kampo ng 24th IB, taliwas sa naunang testimonya ni Anotado na may anim na maliit na kubo sa kampo, na pinaniniwalaang pinagkulungan kina Cadapan at Empeño.

Ngunit ayon sa naunang pahayag ni Manalo, tatlong beses pa umano niyang nakita si Anotado sa kampo ng 24th IB. Dito rin niya umano nakitang sinunog ng mga sundalo si Manuel Merino, sibilyang kasamang dinukot ng dalawang estudyante ng UP sa Hagonoy, Bulacan noong Hunyo 2006.

Kabilang sa mga respondent ng kaso sina Anotado, Gloria Arroyo, General Jovito Palparan, Philippine National Police Director General Avelino Razon Jr., dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Hermogenes Ebdane, at iba pang opisyal ng militar.

Ang petisyon para ilitaw ng militar sina Cadapan at Empeño ang kauna-unahang pagdinig ng isang korte sa bansa para sa writ of amparo. Ipinahayag ng Korte Suprema noong Oktubre 2007 na maaaring magpalabas ang mga korte ng writ of amparo upang matulungang mahanap ng pamilya ang mga kaanak na hinihinalang nasa kamay ng militar.

Maliban sa pagsiyasat o paghahanap sa kampo ng militar para sa mga nawawala, sa bisa ng writ of amparo, maaari ring maisailalim ang isang posibleng testigo sa isang witness protection order at maaaring mag-utos sa mga ahensya ng gobyerno na maglabas ng dokumento para sa isang pagdinig.

Nakatakda ang susunod na pagdinig ng CA sa kaso ng mga nawawalang estudyante sa Hunyo 11.

‘Discredited witness’

Samantala, ani Atty. Rex Fernandez, abogado ng pamilyang Cadapan at Empeño, “discredited” na ang testigo ng militar na si Lt. Col. Eduardo Davalan, chief of staff ng 1st Scout Ranger Regimen na nakabase sa Camp Tecson sa San Miguel, Bulacan kung saan umano unang namataan ni Manalo sina Cadapan at Empeño.

Ani Linda Cadapan, ina ni Sherlyn, saad umano ni Davalan sa korte noong Mayo 14 na hindi pa niya nalilibot ang lahat ng panirahan sa buong Camp Tecson, kaya hindi nito maaaring sabihin na hindi ikinulong ng militar sa kampo sina Cadapan at Empeño.

Isinaad pa ni Davalan na si AFP Chief of Staff Gen. Alexander Yano ang nagpapunta sa kanya sa korte upang tumestigo, ani Gng. Cadapan.

Sapilitang pagkawala

Kabilang sina Cadapan at Empeño sa 193 kataong naitalang biktima ng sapilitang pagkawala simula 2001, ayon sa ulat ng Karapatan. Mula sa kabuuang 225 na pulitikal na bilanggo, 195 ang ikinulong mula nang manungkulan si Arroyo.

Hanggang Marso, naitala naman ng Karapatan ang 903 kaso ng extrajudicial killing, kung saan aabot sa kalahati ay mga magsasaka.

Ayon sa grupong Desaparecidos sa isang pahayag, ang Oplan Bantay Laya umano ng rehimeng Arroyo ang sanhi ng pulitikal na pamamaslang, pagdukot at sapilitang pagkawala sa bansa. Layon umano nitong supilin ang mga itinuturing na “kaaway ng gobyerno.”

“Kung mismong ang gobyerno ang naghahasik ng terorismo laban sa mamamayan [nito], binibitiwan na nito ang kanyang obligasyon sa karapatang-pantao,” anang Desaparecidos.

Sa ikalawang taon ng bagong STFAP sa Diliman, Freshies na may libreng matrikula, 11 lang

Filed under: Philippine Collegian — Toni Tiemsin @ 11:24 am
Tags: , , ,

Unang nalathala ang artikulong ito sa Philippine Collegian noong 13 Hunyo 2008.

Labing-isa lamang ng kabuuang 2,622 freshmen na nagkumpirmang papasok sa UP Diliman (UPD) ang hindi magbabayad ng matrikula batay sa itinakda ng binagong Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP).

Wala pa itong isang porsyento ng kabuuang 1,169 aplikanteng freshmen para sa binagong STFAP, kung saan ibinilang sila sa E batay sa taunang kita ng kanilang pamilya, ayon sa tala ng Office of Scholarships and Student Services (OSSS) hanggang Hunyo 5. (Sumangguni sa Table 1)

Mula sa unang pagpapatupad noong 1989, naglalayon umano ang STFAP na magbigay ng tulong-pinansyal sa mga estudyante sa anyo ng mga programang socialized tuition, scholarship at student assistantship. Ngunit para kay Alvin Peters, pangulo ng National Union of Students of the Philippines, “mapanlinlang” ang STFAP dahil ginagawa lamang itong “smokescreen” ng administrasyon ng UP upang bigyang katwiran ang pagtaas ng matrikula.

Inaprubahan ng Board of Regents, pinakamataas na tagagawa ng palisiya sa UP, noong Disyembre 2006 ang 300 porsyentong pagtaas ng matrikula mula P300 hanggang P1,000-P1,500 kada yunit, P2,000 dagdag na bayarin, at pagbabago ng STFAP para sa mga bagong papasok sa UP.

Samantala, itinalaga ang halos 74 na porsyento ng mga freshman na nag-apply sa STFAP sa Bracket C, na nakatakdang magbayad ng matrikulang P600 kada yunit, ayon sa tala ng OSSS.

Kulang sa walong porsyento o 88 freshmen lamang ang napunta sa Bracket D at nakatakdang magbayad ng P300. Kung ibabatay sa dating STFAP, maaaring libre ang matrikula o magbabayad lamang ng P75 bawat yunit ang mga kasalukuyang nasa Bracket D. (Sumangguni sa Table 1 at 2)

Samantala, habang tumaas nang halos siyam na porsyento ang bilang ng mga freshman na napunta sa Bracket C kumpara noong isang taon, bumaba naman ng halos anim na porsyento ang napunta sa mga bracket na D at E.

Tanging 11 freshmen, o wala pang isang porsyento ng mga nagpasa ng aplikasyon, ang itinalaga ng OSSS sa Bracket E, na sumasaklaw sa mga pamilyang may taunang kitang P80,000. Hindi sila magbabayad ng matrikula at stipend na P12,000 bawat semestre.

Batay sa lumang STFAP bracketing, makatatamasa rin ng libreng matrikula ang mga estuyanteng mula sa pamilyang may taunang kitang hanggang sa P130,000 o nasa Bracket 1 hanggang 5. (Sumangguni sa Table 1 at 2)

Samantala, ayon sa OSSS, napunta sa Bracket A o B ang mga hindi nagpasa ng aplikasyon para sa bagong STFAP, batay sa idineklara nilang taunang kita ng kanilang pamilya noong magkumpirma silang papasok sa UP.

Dumaming aplikasyon para sa STFAP

Habang patuloy na itinatala ang bilang ng estudyanteng magkukumpirma ng pagpasok sa UPD, tumaas na sa 1,169 ang mga aplikante para sa binagong STFAP, o mas marami ng 141 kaysa sa kabuuang 1,028 aplikante noong nakaraang taon.

Lumalabas na halos kalahati ng bilang ng nagkumpirmang tutuloy pumasok sa UP Diliman hanggang noong Hunyo 5 ang nagpasa ng aplikasyon, batay sa datos ng OSSS.

Ayon kay UP President Emerlinda Roman, “The economic crisis we are facing could be one reason [for the increase in application]. It could also mean that we have more students who are financially disadvantanged, so more are applying for STFAP benefits.”

Ani Ramon Guillermo, tagapangulo ng All-UP Academic Employees Union sa Diliman, “Patunay lamang ito na mas maraming magulang ang nangangailangan ng suporta para mabayaran ang matrikula ng kanilang mga anak.” Ngunit aniya, “Hindi ito manipestasyon ng pagtanggap sa STFAP.”

Sa ilalim ng bagong STFAP, itatakda ang bracket ng isang estudyante batay sa hinihiling niyang bracket, bracket batay sa idineklarang taunang kita ng pamilya, bracket batay sa ibang bayarin ng pamilya gaya ng matrikula noong high school o halaga ng ibinayad sa kuryente at tubig, at batay sa kita ng pamilya ayon sa itinakdang pagtutuos ng administrasyon.

‘Socialized tuition’

Sa kasalukuyan, 218 estudyante lamang mula sa lahat ng antas na di-gwadrado ang nagtatamasa ng libreng matrikula alinsunod sa luma at bagong STFAP.

Halos 42 porsyento ng 422 estudyanteng nasa ikatlong taon pataas na nagpasa ng aplikasyon para sa lumang STFAP ang tumatamasa ng libreng matrikula. Mahigit sangkapat naman ng kabuuang bilang ng nagpasa ng aplikasyon ay nasa Bracket 9 at nagbabayad ng dating base tuition na P300. Ang natitirang 125 estudyante, o halos 30 porsyento ng nasa lumang bracketing, ay nagbabayad ng mula P75 hanggang P225 bawat yunit. (Sumangguni sa Table 2)

Batay sa tala ng bilang ng mga botante noong nakaraang halalan para sa konseho ng mag-aaral, lumalabas na humigit-kumulang 19,000 ang maaaring magpasa ng aplikasyon para sa lumang STFAP. Awtomatikong magbabayad ng P300 base tuition ang mga nasa ikatlong taon pataas na hindi nagpasa ng aplikasyon para rito.

Bumabang confirmation turn-out

Batay sa tala ng admission and registration section (ARS) ng Office of the University Registrar (OUR), 1,204 ng mga pumasa sa UP College Admission Test (UPCAT) para sa UPD ngayong taon ang hindi pa nagkukumpirmang magtutuloy sa Diliman hanggang noong Hunyo 4.

Kumakatawan ito sa 45 porsyento ng mga pumasa sa UPCAT para sa Diliman, mas malaki sa mahigit 35 porsyento na naitalang hindi nagkumpirma noong nakaraang taon.

Ani Amelita Jorda, ARS officer ng OUR, hindi umano lahat ng nagkumpirma ay siguradong papasok sa UPD, at maaari pa rin umanong madagdagan ang bilang ng mga magkukumpirma hanggang sa matapos ang enrolment ngayong linggo.

Tatlo sa bawat limang pumasa sa UPCAT para sa Diliman ang nagmula sa National Capital Region at nakapag-aral sa mga pribadong paaralan, ayon sa tala ng Office of Admissions. Samantala, halos sangkatlo ng kabuuang 12,185 nakapasa sa UPCAT ang maaaring pumasok sa Diliman.

Pagkilala sa STFAP?

Ani Roman sa isang panayam ng Collegian, 49 porsyento umano ng mga pumasok sa UP noong isang taon ang nagpasa ng aplikasyon para sa bagong STFAP. “This means that 51 percent did not apply and were not questioning it, [because] they were willing to pay.”

Paliwanag ni Guillermo, “Napipilitan lamang ‘yung mga taong umangkop sa kalagayan ng UP.” Dagdag niya, “Kasabay ng pagnanasang makapasok sa UP, naghahanap ng ibang paraan ang mga magulang para makapasok sa UP.”

Wala rin umanong pag-aaral na isinagawa ang administrasyon hinggil sa kahinaan at kalakasan ng luma at bagong STFAP, kaya hindi aniya malalaman kung natupad nga ang “pagkakapantay-pantay” na minimithi ng bracketing.

Dagdag ni Peters, hindi umano magpapatupad ng iskemang gaya ng STFAP kung sapat ang ibinibigay na badyet ng gobyerno sa sektor ng edukasyon.

Sa tala ng Collegian, 56 na porsyento lamang ng kailangang pondo ng UP ang ibinibigay ng gobyerno mula noong 2003. May ulat mula kina John Alliage Morales at Ma. Rosa Cer dela Cruz

TABLE 1

Resulta ng bagong STFAP bracketing sa UP Diliman*

BRACKET

(batay sa taunang kita ng pamilya)

BAYARIN KADA YUNIT

BILANG NG FRESHMEN**

(AY 2008-2009)

PORSYENTO

BILANG NG FRESHMEN***

(AY 2007-2008)

PORSYENTO

A

(Higit sa P1 milyon)

P1,500

32

2.74

42

4.08

B

(Mula P500,000 – P1 milyon)

P1,000

174

14.88

176

17.12

C

(Mula P135,001 – P500,000)

P600

864

73.91

669

65.08

D

(Mula P80,000 – P135,000)

P300

88

7.53

111

10.8

E

(Hanggang 80,000)

0****

11

0.94

30

2.92

KABUUAN

1169

100

1028

100

*Hindi kasama ang mga awtomatikong napunta sa Bracket A at B

**Sa tala hanggang noong Hunyo 5, 2008

***Sa tala hanggang noong May 2, 2008

****May stipend na P12,000 bawat semestre

Sanggunian: 2007 STFAP Bulletin at Office of Scholarships and Student Services

TABLE 2

Resulta ng lumang STFAP bracketing sa UP Diliman*

BRACKET

(batay sa taunang kita ng pamilya)

BAYARIN KADA YUNIT

BILANG NG ESTUDYANTE**

PORSYENTO

1 (Mula 0 – P45,000)

0

8

1.9

2 (P45,000 – P55,000)

0

4

0.95

3 (P55,001 – P65,000)

0

25

5.92

4 (P65,001 – P80,000)

0

48

11.38

5 (80,001 – 130,000)

0

92

21.8

6 (130,001 – P170,000)

P75

64

15.17

7 (P170,001 – P210,000)

P150

45

10.66

8 (P210,001 – P250,000)

P225

16

3.8

9 (P250,001 at pataas)

P300

120

28.44

KABUUAN

422

100

*Hindi kasama ang mga awtomatikong magbabayad ng base tution na P300

**Sa tala hanggang noong May 2, 2008

Sanggunian: 2007 STFAP Bulletin at Office of Scholarships and Student Services

Theme: Rubric. Blog at WordPress.com.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.